Maaaring iyon ang unang pagkakataong nakakita siya ng niyebe. Halos isang buwan pa lamang ang nakalipas mula nang dumating si Maura sa St. Louis, Missouri, galing Pilipinas.
Nandoon siya para sa 1904 World's Fair, isang makasaysayang eksibisyon ng ekspansyonismo at inobasyon ng Estados Unidos. Ngunit hindi naroon si Maura para dumalaw sa eksposisyon. Naroon siya at kaniyang mga kababayan para maitampok at mapanood.
Napakarami naming hindi alam tungkol kay Maura. Wala kaming mahanap na anumang litrato niya. Hindi namin alam kung sino ang pamilya niya.
Pero ito ang aming natuklasan: Ipinanganak siya bandang 1886. Ayon sa isang artikulo sa St. Louis Republic, maaaring nagmula siya sa isang pamilyang may mataas na katayuan batay sa kaniyang mga tatu.
At alam namin na galing siya sa Suyoc, isang komunidad na nagmimina mahigit 300 kilometro hilaga ng Maynila. Isa siyang Kankanaey, bahagi ng mga Katutubong Igorot na naninirahan sa bulubundukin ng Cordillera. Ginagamit ang terminong Igorot para ilarawan ang iba't ibang etnisidad sa rehiyong ito.
Nasa 13 taong gulang si Maura nang naging teritoryo ng Estados Unidos ang Pilipinas. Ito ay pagkatapos ng mahigit tatlong siglong pananakop ng mga Español. Sumunod ang tatlong taong digmaan para sa kalayaan ng Pilipinas.
Namatay ang hindi bababa sa 220,000 Filipino. Nang magtagumpay ang Amerika noong 1902, sabik ang dating gobernador ng Pilipinas na si William Howard Taft na gamitin ang World's Fair para ipagmalaki ang bagong teritoryo at bigyang-katwiran ang pananakop. Hindi namin alam kung ano ang ipinangako sa kanila ng mga Amerikano.
Subalit nagsimula silang mangalap ng mga Katutubo mula sa kapuluan para dalhin sa St. Louis. Isa sa kanila si Maura, marahil nasa 18 taong gulang na noon.
Sa Maynila, sumampa sina Maura at iba pang mahigit sa 230 Filipino mula sa kapuluan sa Shawmut, isang barkong pangkomersiyo. Tinawid nila ang Pasipiko sa loob ng mahigit isang buwan. Nakipagsiksikan sila sa ibaba ng barko, walang nakikita kundi tubig sa abot-tanaw.
Si Kario, isang lalaki na kasama sa nasabing paglalakbay, ay simulat noong dekada '30 tungkol sa kaniyang karanasan: "Sa barko, tuwing gabi, natutulog kami sa magkakaibang kompartamento. " "Sa umaga, sumasayaw ang mga Igorot sa kubyerta hanggang sa labas ng barko, bitbit ang kanilang mga gangsa. " Ilan sa mga pasaherong ito ang sumama sa paglalakbay para sa bagong karanasan sa Amerika.
Subalit para sa iba, hindi nila alam kung bakit sila sakay ng barko papunta roon. "Sa barko, wala kaming ibang magawa kundi manatili sa loob. Walang nakaaalam sa amin kung bakit kami dinala papuntang Amerika.
" Pagdaong ng barko sa Tacoma, Washington, binati sila ng daan-daang nang-uusisang lokal. Limang araw silang naglakbay sakay ng tren mula Tacoma patungong St. Louis.
Sa simula, hindi matiis ang init. Nagpadala ang mga nagpapatakbo ng tren ng telegrama. "Inihagis ng pinuno ng mga Igorot ang damit niya sa labas ng bintana.
Ano'ng gagawin natin? " "Bakit hindi niyo isinara ang mga bintana? " sagot ng mga opisyales.
Sumagot ang mga nasa tren, gamit ang mapang-aalipustang salita: "Sinara na ang bintana, pero binasag nila ang salamin. Hindi na mapakali sa init ang mga mamumugot na ito . .
. " Ni walang init sa ibang bagon ng tren habang dumadaan sila sa mas malalamig na lugar. Sa mga bagong iyon, hindi katiis-tiis ang lamig.
Pagdating sa St. Louis, isang lalaki sa pangalang Ibag ang isinugod sa malapit na Mullanphy Hospital. Sa loob ng ilang araw, siya at isa pang lalaki ang pumanaw dahil sa pulmonya.
Inasahan ng mga opisyales na marami pang mamamatay. Naghanda sila ng lupang mapaghuhukayan ng 40 libingan sa malapit na sementeryo. Natulog ang mga taga-Suyoc sa mga higaan.
Sa kanilang paligid, itinayo ang mga eksibisyon para maisadula ang kanilang buhay sa Pilipinas. Kinalaunan, dinapuan na rin si Maura ng pulmonya, at ipinasok siya sa Mullanphy Hospital. Hindi namin alam kung ano ang pinagdaanan niya roon.
Pero alam namin na nagsimulang magniyebe noon, na bibihira para sa buwan ng Abril sa St. Louis. Iniulat ng diyaryong St.
Louis Republic na ninais ni Maura na maibalik ang kaniyang labi sa Pilipinas para mailibing doon. Pumanaw si Maura ilang araw bago nagsimula ang eksposisyon. Si Truman Hunt, ang Amerikanong nakatalaga sa mga Igorot, ang naghatid sa kanila ng balita.
Nakabilog silang nagluksa nang ilang oras. Pinagtuonan ng mga diyaryo ang kanilang mga kaugalian sa pagluluksa. Pumunta sa punerarya ang mga kababayan ni Maura masilayan ang kaniyang labi.
Bumigkas ng basbas ang isang taga-Suyoc. Ngunit hindi sila pinayagang gawin ang tradisyonal nilang paghahanda sa katawan bago ito ilibing. Ipinangako ni Hunt na ibabalik ang labi ni Maura sa Pilipinas.
Hindi malayo sa punerarya, nagbukas sa publiko ang eksposisyon. Naging isa sa pinakasikat na eksibisyon ang 19-ektaryang Philippine Exposition, lalo na ang Igorot Village. Ang kanilang pang-araw-araw na gawain ay naging pang-aliw para sa mga bumisita.
Ipinakita ng mga taga-Suyoc kung paano nila kinikilatis ang kalidad ng mineral, una sa pamamagitan ng pagdila nito. Inakala ng mga manonood na natitikman nila ang kalidad ng mga bakal. Pero tinatanggal lang nila ang dumi para makita ito nang mas mabuti.
Pinilit ng mga opisyales ang mga Igorot na kumain ng aso ilang beses sa isang linggo para sa mga manonood, kahit pa bihira nilang ginawa ito sa Pilipinas. Nagbunga ito ng istereotipo tungkol sa mga Filipino na nananatili hanggang ngayon. Tinawag silang "savages" ng mga opisyales at pahayagan.
Napuno dito ang ilang Filipino. Bilang protesta sa ganitong pagtatanghal sa mga Filipino, tumanggi ang dalawang babaeng Bisaya na pumasok sa paaralang Ingles sa loob ng eksposisyon. Sinabi ni Teresa Ramirez sa isang sulat na nakalathala sa St.
Louis Post-Dispatch: "Galit ang lahat ng mga Filipino dito na mataway na 'savage. '" Samantala, sinubaybayan ni Ales Hrdlicka ang eksposisyon. Siya ang tagapangulo ng pisikal na antropolohiya sa U.
S. National Museum ng Smithsonian Institution. Iniranggo ni Hrdlicka ang mga tao batay sa lahi, sa paniniwalang higit ang mga Puti.
Kumalap siya ng mga bahagi ng katawan ng tao para manaliksik tungkol sa kaniyang mga teorya ng anatomikong pagkakaiba ng mga lahi, na ngayo'y napabulaanan na. Pinasimulan niya ang tinawag niyang "racial brain collection" para sa Smithsonian. Nais niyang makuha ang utak ng mga Katutubong namatay sa eksposisyon.
Nagtungo si Hrdlicka sa St. Louis at inawtopsiya ang katawan ng dalawang Filipino na pumanaw. Batay sa mga opisyal na dokumento ng Smithsonian, alam naming kinuha niya ang serebelo ng isang Igorot na taga-Suyoc.
At marahil si Maura nga ang taong ito, dahil siya lang ang kilalang taga-Suyoc na namatay habang nasa St. Louis para sa World's Fair. Hindi namin alam kung ano ang nangyari sa iba pang bahagi ng utak niya o kung bakit serebelo lang ang kinuha.
Kinuha rin ni Hrdlicka ang utak ng isang Igorot mula Bontoc. Pagdating ng Setyembre, ipinadala ng mga opisyales ng eksposisyon sa museo ang utak ng dalawa pang Filipino na namatay. Ang koleksiyon na pinasimulan ni Hrdlicka ay lalago sa hindi bababa sa 268 utak, kasama ang 27 mula sa mga Filipino.
Ilan sa mga ito ang kinolekta ng U. S. Army na nakatalaga sa Pilipinas.
Isang global na pangkat ng mga propesor, mananaliksik, doktor at surihano ng U. S. Army ang nangolekta ng mga utak sa mga awtopsiya.
Ipinadala nila ang mga ito sa National Museum. Apat sa mga utak ang kusang ibinigay sa koleksiyon ng mga donante o kanilang pamilya. Lumitaw na ang iba naman ay kinuha nang walang pahintulot.
Noong Disyembre 1904, iniulat ng isang artikulo sa diyaryo na dumalaw ang mga tao sa punerarya para makita ang labi ni Maura. Ngunit iilan lamang ang makakaalam kung ano ang ginawa ni Hrdlicka, hanggang makalipas ang mahigit isang siglo. Natagpuan ni Janna Añonuevo Langholz ang kuwento ni Maura habang nasa kalagitnaan ng isang pambihirang pagbagyo ng niyebe sa buwan ng Abril sa St.
Louis. Narinig niya sa balita na isa sa mga huling beses na nahuli ang pagniniyebe sa St. Louis ay noong 1904.
Sumagi sa isip niya ang World's Fair. Matagal nang alam ni Janna, isang Filipino Amerikanong aktibista at alagad ng sining, ang tungkol sa Philippine Exposition. Ipinanganak siya noong 1988 sa mismong lugar kung saan ito ginanap.
Napaisip siya kung ano kaya ang naging tingin ng mga Filipino noon sa niyebe. Sa pagbuklat niya sa mga diyaryo sa arkibo, napagtanto niyang 117 taon na mula nang pumanaw si Maura. Nagbigay ng inspirasyon kay Janna ang kuwento ni Maura.
Sinimulan niyang idokumento ang buhay sa mga nayon sa isang website: "1,200 Lives and Deaths at the World's Fair. " Pinasimulan niya ang paglilibot kung nasaan noon ang mga nayong Filipino. Lumikom din siya ng salapi para mapalagyan ng lapida ang libingan ng mga Filipino na walang palatandaan.
Hinanap niya ang libingan ni Maura. Natagpuan ni Janna ang isang lumang ulat ng Smithsonian na dinala ni Hrdlicka sa museo ang serebelo ng isang Igorot na taga-Suyoc. Nabiyak ang kaniyang puso.
Hindi nakalista ang pangalan ni Maura sa mga dokumento ng Smithsonian. Iba ang petsa ng autopsiya sa dalawang talaan, at nakasaad na mula sa lalaki ang serebelo. Pero sigurado si Janna.
"Si Maura lang ang taga-Suyoc na namatay, kaya alam kong siya iyon. " Karamihan sa mga makakalap na dokumento ay sumusuporta sa kaniyang kongklusiyon. Nagalit siya, ngunit umasang maisauli ang labi ni Maura.
Sinimulan ni Janna ang pakikipag-usap sa Smithsonian. Ang koleksiyon ng utak ay pinamamahalaan na ngayon ng National Museum of Natural History. Sinabi ng isang opisyal sa kaniya na marahil sinunog na ang serebelo sa pagitan ng 1908 at 1950.
Sa mga dokumento ng Smithsonian, nakalista ang hindi bababa sa walo pang utak na "Condemned & Destroyed. " Marami ang minarkahan bilang "desiccated," o natuyo na. Tinanong ni Janna kung saan sinunog ang serebelo ni Maura para mabisita niya ang lugar, subalit walang maibigay na lokasyon ang Smithsonian.
Kinalaunan, sinabi ng Smithsonian sa The Post na hindi nila makumpirma ang pagkakakilanlan ng taong kinunan ng serebelo. Napagod na si Janna. Pumunta siya sa Pilipinas para bisitahin ang kaniyang pamilya noong Enero 2023.
Sa pagkakataong ito, natagpuan siya ni Maura. Dahil sa mga ginawa ni Janna, naimbestigahan ng Washington Post ang koleksiyon ng mga labi ng tao sa Smithsonian. Naggugol kami ng isang taon sa paggalugad sa koleksiyon ng mga utak, mga koneksiyon ni Hrdlicka at kuwento ni Maura.
Sa pag-uulat sa proyektong ito, patuloy kaming nakipag-ugnayan kay Janna. Sa pagsasaliksik sa mga lumang arkibo, natagpuan namin ang sertipiko ng kamatayan ni Maura at isang artikulo sa diyaryo tungkol sa pagpapadala ng kaniyang labi sa Pilipinas. Ayon sa balita, sa sumunod na taon, may isang Filipino na nagpetisyon para maiuwi ang labi ng kaniyang kapatid na lalaki.
Dahil dito, hindi bababa sa anim na labi ang isinakay sa barko para maibalik sa Pilipinas. Isa rito ang kay Maura. In-email namin kay Janna ang balita.
Nagkataon na sa umagang iyon, papunta si Janna sa probinsiya ni Maura. Hinikayat siya ng pamilya niya na bisitahin ang komunidad ng Suyoc. Hinanap niya ang mga kamag-anak ng mga taong nakilala niya mula sa kaniyang pananaliksik.
Pinag-usapan nila si Maura, sa halo-halong Tagalog, Ilocano at Kankanaey. Sa Suyoc, tanaw ang mga burol kung saan minsan namuhay si Maura, huminto si Janna para magbigay-galang sa kaniya. Patuloy ang paghahanap sa libingan ni Maura sa Pilipinas.
Umaasa ang mga taga-Suyoc na makapagtayo sila ng isang memoryal para alalahanin siya. Naghahanap si Janna ng resolusyon para sa tatlo pang utak na kinuha mula sa mga Filipino noong 1904 World's Fair. Ilang buwan matapos ang pag-uulat ng kuwentong ito, nakipag-ugnayan ang Smithsonian sa embahada ng Pilipinas para ipaalam sa kanila ang tungkol sa mga labi ng taong nasa Smithsonian.
Humingi ng tawad ang sekretarya ng Smithsonian na si Lonnie G. Bunch III sa nakaraang paraan ng pagkolekta ng institusyon sa marami sa mga labi. Sinabi niyang layunin niyang maibalik ang lahat ng mga labing kaya pang maibalik.
Noong Agosto 2023, ibinalik ng Smithsonian ang apat na utak mula sa tinatawag ni Hrdlicka na kaniyang "racial brain collection. " Nananatili ang iba pang 255 utak sa bodega ng museo.